Pagsusuring Aklat: Buhay at Mga Ginawa ni Dr. Jose Rizal ni Pascual Poblete

Kung ang pakay ng isang mambabasa ay maranasan at madama ang mga dramatikong pangyayari sa buhay ni Rizal, hindi sapat na maibahagi lamang sa isang pangungusap ang imahe ng kalumanayan ng loob ni Rizal, halimbawa, noong mga huling niyang sandali. Makakamit ito sa pamamagitan ng detalyadong perspektibo ng mga taong naging bahagi mismo ng mga pangyayari.

Ito ang maaasahang tema sa kabuuan ng pagsasalaysay ng buhay ni Rizal sa librong sinulat ni Pascual H. Poblete, na pinamagatang Buhay at Mga Ginawa ni Dr. Jose Rizal, isang electronic book na pinalabas noong 29 ng Abril, 2006, at libreng makukuha sa URL na ito, bilang bahagi ng Gutenberg Project:

http://www.gutenberg.org/files/18282/18282-h/18282-h.htm

Ang pinagmulan ng katha ay pasimula ng pagsasa-Tagalog ng nobelang Noli Me Tangere na ginawa ni Pascual Poblete noong 1909 (labintatlong taon lang pagkatapos ng pagbaril kay Rizal), na ibinukod sa edisyong ito. Ang uri ng Tagalog ni Poblete dito ay salamin ng dekadang ito, kaiba sa mga gawang Tagalog sa kasalukuyang panahon, kaya asahan ang kaunting kaiharapan sa pag-intindi sa unang bahagi. Kapag nalampasan naman ito, ang gantimpala para sa mambabasa ay isang kapani-paniwalang atmospera na lalong magpapalapit ng kaisipan sa panahon ni Rizal. Kakambal na nga ng wika ang damdamin at saloobin, kaya ito ang masasabi kong bentahe ng librong ito.

Sinasabing hindi maiiwasan sa pagsasalaysay ng nakaraan ang pagkiling o bias sa pagsasakahulugan at pagkiling sa pansariling pakay. Katulad ng lahat ng mananalaysay, si Poblete ay bihag ng natural na katangiang ito. Ang mahalaga ay malinaw ang kanyang pakay na malantad ang saloobin ni Rizal sa likod ng mga pagpupursige nito. Noong una ay ginawa itong panimula sa Noli Me Tangere upang maintindihan ang saloobin ni Rizal sa likod ng pagsulat niya ng nobela, ngunit dahil sa mayamang paglalarawan sa buhay at katauhan ni Rizal, hindi kataka-takang ang panimulang ito ay nakatatayo sa sarili nitong mga paa bilang isang hiwalay na talambuhay ng bayani.

Ang paglalarawan ay hindi ginawa sa pamamagitan lamang ng sariling interpretasyon ni Poblete. Mangilan-ngilan lang ang tinig ng kanyang pagpapakahulugan, at sa bawat pagkakataon, mayroong itong matibay na sandigan mula sa mga liham mismo ni Rizal, o di kaya’y naratibo ng mga taong direktang may kinalaman sa mga pangyayari. Ang mga puntos na ibig bigyan ng pansin ni Poblete ay mayaman sa detalye na kung tutuusin ay masasabing trivial, katulad ng talaan ng kanyang mga pinag-aralan sa Bachiller en Artes, at ang mga dumalo at mga kinahantungan ng mga taong nakipagpulong kay Rizal upang hikayatin na sumali sa Liga Filipina.

Hindi rin nag-nagtipid ng espasyo si Poblete na ibahagi ang mga mahahalagang talumpati ni Rizal, katulad ng pagpupugay niya kina Luna at Hidalgo, mga mahalagang sipi sa Noli at El Fili, at ang mga liham na nagsisilbing pinto sa kaisipan ni Rizal. Binigyan din ng kaukulang pokus ang pahayag ng iba pang mahahalagang tauhan sa mundo ni Rizal, katulad ng mga sulat at komento ni Blumentritt, mga dyalogo buhat sa memorya ni G Neneng Rizal, at talumpati ni Andres Bonifacio pagkatapos ng pagbitay kay Rizal.

Taglay ng gawang ito ang katangiang akma sa titulong Ama ng Pahayagan dahil sinikap ni Poblete na ibahagi ang dokumentadong pagtuligsa ng kabilang panig, katulad ng mga artikulo ni Retana, at nilagay itong magkasintabi sa sinasalungat na pahayag ni Rizal. Ang kabuuang epekto ng istilong ito para sa mambabasa ay obhetibong pamamahayag, at inilalaan sa nagbabasa ang interpretasyon sa halip na idikta ng may katha. Ang katangiang ito ay lalong pinatingkad ng paglakip ng pangalan ng nakatatandang kapatid ni Pepe, mula sa takip ng libro (“Ipinalimbag ni G. Neneng Rizal”) hanggang sa dyalogo ng magkapatid noong mga huling sandali ng bayani. Kaya hindi maiiwasan ang pagdama na ang gawang ito ay mapananaligan.

Ang higit pang kahalagahan ng gawang ito ay ang pagsusumikap ni Poblete na isalarawan ang malalim na motibo ng mga ginawa ni Rizal. Kung sa ibang talambuhay matatanto na ang pagkamartir ng Gomburza at ang pagdakip sa ina ni Rizal noong kabataan niya ang malalaking impluwensya sa kanyang mga motibo, dito hinango mula sa mga sulat niya kay Blumentritt na ang pangunahing pakay ni Rizal ay maipakita ang pagkakapantay-pantay ng lahat ng lahi, salungat sa batayan ng mga Espanyol sa kanilang pagsakop sa mga Pilipinong indio na tinuturing nilang mababa ang pagkatao.

Sa mga pinaikling talambuhay ni Rizal na nabasa ko, mapapakahulugan na ang nasa likod ng nasyonalismo ni Rizal ay ang ipaghiganti ang mga natunghayan niyang paghalimura sa hustisya at karapatan ng mga Pilipino simula ng kanyang kamusmusan. Dito matutunghayan na kaya ganoon kasidhi ang pagmamahal niya sa bayan dahil ito ay alinsunod sa gusto ng Diyos, ang kahusayan at kapayapaan ng lahat – isang napaka-simpleng ideya na taliwas sa disenyo ng mga makabagong drama at trahedya ngayon. Dito nasusukat na hindi maka-mundo ang mga pakay ni Rizal, kundi dalisay.

Ang pinaka-epektibong tema ng pag-iisip ay nagmumula sa mga simpleng adhikain. Kung iisiping mabuti, akma sa sentral na ideyang ito ang pagsisikap ni Rizal na maipakita sa mundo ang pagkakapantay-pantay ng lahat ng lahi, dahil ang kapayapaan ay matatamo lamang kung kikilalanin ng bawat isa ang pagkakapantay-pantay na ito. Ang pilosopiya ng pananakop ng mga Kastila sa mga Pilipino ay taliwas sa paniniwalang ito, kaya imposible yung nilalayon ni Rizal na magkaroon ang mga Pilipino ng mga pribilehiyo at karapatang kagaya ng mga Espanyol, kahit pa nasa ilalim ito ng gobyernong Kastila, dahil mababa ang pagtingin nila sa mga Pilipino.

Pinakita sa nobelang Noli Me Tangere ang tunay na kalagayan ng pananakop: mga pangyayaring hindi dapat ibunyag dahil taliwas ito sa pinagpipilitang ilusyon na para sa ikabubuti ng mga indio ang paghawak ng Espanya sa Pilipinas.

Ang paglagom sa buhay ni Rizal bilang pasimula ng pagsasa-Tagalog ng nobelang Noli ay nangangahulugang sentro ang nobela sa buhay at kinahinatnan ng bayani. Ako ay may paniniwalang ang buhay ng isang tao ay hindi kailanman katumbas ng nag-iisang gawa niya, gaano man katindi ang epekto nito sa lipunan. Maaring ipakahulugan ng mambabasa na si Rizal ay Noli at ang Noli ay si Rizal, ngunit higit pa riyan ang kabuuan ng ating pambansang bayani. Ang talambuhay ay isa ring uri ng pagsasalaysay ng kasaysayan, at mayroon itong pananaw at pakay. Sa pagbasa sa librong ito, mainam na isaisip na ang mga pangyayaring sinalaysay dito ay nakasentro sa mga pangyayari sa likod, habang, at pagkatapos ng pagkakalimbag ng nobelang Noli Me Tangere. Ito lang ang maiiwan kong babala sa nagbabalak suungin ang kathang ito ni Poblete.

Sa ganito ring perspektibo, mahalaga ang malawakang pag-iisip sa kahit anong adhikaing pagbubunyag ng katiwalian, lalo na sa kasalukuyang gobyerno kung saan kabi-kabila ang mga akusasyon. Magandang ilabas at harapin ang katotohanan, ngunit hindi ito ang dapat maging paglalaanan ng ating buong lakas. Katulad ng pagsiyasat ni Poblete ng motibo ni Rizal, mas maiintindihan natin ang mga pangyayari kung tutumbukin ang ugat. Ang Noli ay isa lamang sa maraming paraan na sinagawa ni Rizal upang malutas ang krisis panlipunan noon. Kaya ang mga pagbubunyag ay hindi pangmatagalan. Katulad lamang ito ng pag-inom ng gamot para mawala ang lagnat, ngunit uulit at uulit pa rin ito kung hindi aalamin at lulunasan ang sanhi ng impeksiyon na nagdudulot ng lagnat.

Sanay na ang mga estudyanteng Pilipino na sumasailalim sa pag-aaral sa buhay ni Rizal sa mga pinaikling bersyon ng kanyang talambuhay. Madali ang paghanga sa mga nagawa ni Rizal kahit kabuuran lamang ang malaman tungkol sa kanya, ngunit hindi magiging lubos ang pagpapahalaga sa bayani kung hindi uuriratin ang damdaming nagudyok sa kaniya na gawin ang ganyang mga nagawa. Mas malalim din ang pag-intindi sa nakaraan kung sabayang ilalantad ang iba pang mahahalagang pangyayari na may kinalaman sa mga pinagdaanan ng bayani.

Kung sawa na sa mga talambuhay ni Rizal na madali at maikli ang paghatid ng mga detalye, at ang hanap ay awtentik, detalyado, at interesanteng pagpapakilala kay Rizal bilang isang tao at bayani, sa mata, bibig at perspektibo mismo ng mga taong nakasalamuha nito, sa porma ng Tagalog na hindi kaiba sa nakagisnan ni Rizal, at higit sa lahat, sinulat ng isang talentadong Pilipinong manunulat na maituturing ding bayani na nakibaka laban sa mga Kastila gamit ang talas ng kanyang pluma gaya ni Rizal – napakainam ang librong ito.

About these ads
This entry was posted in History. Bookmark the permalink.

One Response to Pagsusuring Aklat: Buhay at Mga Ginawa ni Dr. Jose Rizal ni Pascual Poblete

  1. Napakatapang talaga ni Rizal sapagkat kahit alam niya na makapangyarihan ang mga Espanyol, kinalaban pa rin ni Rizal ang mga ito. Ang talagang kinalaban ni Rizal ay ang mga masasamang gawain nila lalo na ng mga prayle. Hindi hahayaan ni Rizal na maapi ang kanyang mga kababayan.

    Edward Anthony V. Guerrero
    Contributor, http://www.OurHappySchool.com

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s