Si Rizal sa Loob ng Isandaang Taon

Gusto ko mang gumamit ng Ingles sa kathang ito, di ko
maatim na ipahiya ang aking sarili na magsulat gamit ang isang wikang banyaga
tungkol sa isang bayaning ang pagtangkilik sa sariling wika ang isa sa
pinakamasidhing tinagubilin nito.

 

Kasama sa pagtaguyod ng wikang Pilipino, maaalala rin ang
pagpupunyagi ni Rizal na maiahon ang Pilipinas sa kawalang-pinagaralan at
kahangalan, na maitayo ang isang ligang magbubuklod sa lahat ng Pilipino, na
makamit ang kalayaang hangad nang mapayapa at sa takdang panahong karapat-dapat
na maangkin ito – lahat ng ito ay sumasailalim sa konsepto ng nasyonalismo na
siyang pinakatumpak na paglalarawan kay Rizal bilang modelong mamamayang
Pilipino at pambansang bayani. Sinusulat ko ito tatlong araw pagkatapos ng
isa’t kalahating dantaon ng kanyang kapanganakan, at sa tingin ko, kahit ilang
siglo pa ang dumaan, ang pagkamakabayan marahil ang mensahe na hindi kailanman
maiwawaglit kapag pangalan ni Jose Rizal ang nabanggit.

 

Sa kanyang tanyag na sanaysay, Ang Pilipinas sa Loob ng
Sandaang Taon na inspirasyon sa sanaysay na ito, binalik-tanaw niya muna ang
nakaraan ng Pilipinas bago ito sakupin ng Espanya, pagkatapos ay hinimay nya
ang epektong panlipunan ng pagkasakop nito, at mula doon, tinanaw nya ang
kahahantungan ng bayan makaraan ang isang siglo; dito ganito rin ang gagamiting
paraan para maikatuwiran ang kahahantungan ng diwa at impluwensya ni Rizal sa
susunod pang isang siglo, na naihayag ko na sa panimulang talata. Kaya’t ang
diwa ni Rizal – ang nasyonalismo – ay magiging mahalaga pa rin hanggang sa 2111
at higit pa, dahil sa mga sumusunod:

 

Ang makailang beses na pagsakop sa atin ng mga banyaga ay
tumatak ng malalim sa kamalayan ng mga Pilipino. Iba’t iba ang hubog ng
kolonyalismo, at kahit ano pa mang uri, ito pa rin ay iisang lambat na
pumipigil sa pulutong ng malalayang nilalang para pumalaot at abutin ang
kasukdulan ng kanilang mga pagkatao. Sa panahon ng mga Kastila, ito ay sa uring
mapanlinlang at mapang-abuso sa ngalan ng relihiyong Katolisismo at makabagong
Europeong pag-iisip at pamumuhay. Dahil sa mga akda ni Rizal, partikular na ang
Noli at Fili, naisalarawan ang katotohanang ito para sa mga Pilipinong bulag
dahil sa takot o kamangmangan at para sa gobyernong Kastilang
nagbubulag-bulagan.

 

Noong sumiklab ang himagsikan at bumagsak ang imperyong
Kastila, saka naman pumalit ang Estados Unidos, na siyang bumago sa mukha ng
kolonyalismo sa ngalan ng demokrasya.

 

Noong napasali ang Pilipinas sa ikalawang digmaang
pandaigdig, sinakop naman tayo ng mga Hapon. Animo’y masamang panaginip, ito
ang panahon na nasaksihan ng mga Pilipino ang pinakamalubha at bayolenteng
bersyon ng kolonyalismo, ang uring simpula ng dugo. Kung sa kamay ng Espanya ay
mabagal ang proseso ng pagkamit ng kalayaan, sa mga Hapon mabilis ang mga
pangyayari ngunit mas matindi ang pang-aabuso na kunwa’y gahol sa oras. Ngunit
natuto na ang mga Pilipino, kaya hindi na sila nanibago. Bagkus ay tinumbasan
pa nga ng bagsik ang bagsik ng mga Hapon.

 

Nang malampasan ang mga ito, hindi pa rin natakasan ang
mukha ng kolonyalismo dahil sa pananatili ng mga base militar ng Estados
Unidos. Kaya pinaalis ito. Ngunit sa ngayon, matagal na ngang may kasarinlan,
pero matatawag ba nating lubos na may kalayaan? Kung babalikan natin ang aral
ni Rizal, sinabi nya na maaring may kasarinlan ngunit walang kalayaan, at may
kalayaan ngunit walang kasarinlan.

 

Ano ang pagkakaiba? Ang kasarinlan ay panlabas –
pagpapahayag sa ibang tumitingin na ang isang bansa ay may sariling
pagkakakilanklan katulad ng iba: may sariling pangalan, sariling gobyerno,
sariling teritoryo, at iba pa. Ang kalayaan naman ay nagmumula sa loob, sa
damdamin, kamalayan at karanasan ng mga mamamayan: may kakayahang
makapagmungkahi, makagalaw, at mamuhay ng walang alinlangan; may katarungan, kapayapaan
at kaayusan. Ngunit ang mga magagandang bagay na ito ay hindi agarang nakakamit
kung may kasarinlan. Kaya nga karamihan sa mga rehimeng komunismo, ang imahe ng
matibay na kasarinlan, ay nagsipagbagsakan na.

 

Ang kalayaan naman ay simpleng ideya sa indibidwal na
konteksto, subalit nagiging kumplikado ito kung isasakatuparan sa
milyon-milyong katao sa malawak na nasasakupan ng isang bansa. Ang pulitika,
medya, komersyo, edukasyon, batas, hustisya, at lahat ng aspeto ng lipunan ay
sakop ng konsepto ng kalayaan. Kaya’t upang matamasa ito nang lubos, nang
patas, at nang walang sinumang naaagrabyado, kailangang may kakayahan at sapat
na kaalaman ang bansa. Ito ang pinagdiinan ni Rizal sa kanyang mga sulatin
noon. Mas mahalaga para sa kanya na ang kalayaan ay madama at maranasan ng mga
Pilipino, kahit na nasa ilalim ito ng gobyerno ng Espanya.

 

Kaya minungkahi nya lalo na sa ’Sandaang Taon’ ang
magkaroon ng malayang pamamahayag dito, ang magkaroon ang Pilipinas ng
kinatawan sa Cortes, ang isakatuparan ang malaya at madaling edukasyon para sa
mga Pilipino, at ang katarungan para sa mga katutubong magsasakang
pinagkakakitaan ng mga prayle. Sa sanaysay nyang yaon, binalaan nya ang Espanya
na “habang may panahon ay mabuti na ang pangunahang ipagkaloob ang hinihingi ng
bayan kaysa iyon ay matamo nito sa pamamagitan ng paggamit ng lakas.“  Nagkatotoo nga at humantong sa madugong
rebolusyon ang pagkamit ng kalayaan.

 

Ngayon, pagkatapos ng mahigit isang siglo ng kasarinlan
mula sa mga banyagang mananakop, ang babala na iyon ni Rizal ay hindi pa rin
nawawalan ng kabuluhan. Ang pagkakaiba nga lang ngayon ay sa sariling
gobyernong Pilipino nakatuon ang pagbabantay sa kalayaan. Sariwa pa sa alaala
ang martial law, ang rebolusyon sa EDSA, na nasundan pa ng dalawa. Hindi pa rin
matapos-tapos ang mga kilusan sa Mindanao. Ang NPA ay naglipana pa rin sa mga
kabundukan. May mga pag-aalsa dito at doon. At kung hindi man naipapakita sa
mga rali, karamihan sa mga Pilipino ay tahimik lamang na nagdurusa sa kanilang
mga sitwasyon.

 

Samakatuwid, ang kalayaan ay hindi iisang dyamante na
ninanasa at pag nakamtan na ay hindi na magbabago, patuloy pa rin ang kinang at
lalong tumataas ang halaga. Sa halip, ito ay isang prosesong likido na
nangangailangan ng palagiang pagsubaybay upang hindi ito masalok ng iba, o
kaya’y matapon sa lupa, o kaya’y sumingaw sa ilalim ng araw, o kaya’y madumihan
dahil sa kapabayaan. Kaya kahit na may kasarinlan, hindi ibig sabihin na may
karapatan na tayong magpabaya.

 

Dito pumapasok ang pananatili ng kahalagahan ng diwa ni
Rizal, dahil ang ugaling nasyonalismo lamang, sa aking palagay, ang
pinakamabisang paraan para mapanatili at patuloy na matamasa ang kalayaan. Kay
Rizal tunay na nanalaytay at nasaksihan ang pagmamalasakit sa bayan. Ito ay sa
pamamagitan ng pagpupursige ng edukasyon; dahil napagtanto nyang sa pagunlad ng
kaalaman lamang magbubuhat ang kakayahang makapagsarili nang maayos at malaya.
Kinailangan mang lumabas ng bansa ni Rizal para makakuha ng magandang
edukasyon, hinatak pa rin siya ng kanyang pagkamakabayan pauwi para dito
linangin ang karunungan at kakayahang naipon sa sa labas. Sa kanya nakitaan ang
tunay na pagmamalasakit sa kapwa Pilipino, para mapagkaisa ito, magkaroon ng
kaliwanagan sa mga tunay na pangyayari, matutong mag-isip, pahalagahan ang
sariling lahi, at pahalagahan ang pambansang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng
pagtaguyod sa sariling wika at kultura.

 

Sa kasalukuyan ang mundo ay lalong lumiliit. Ang
teknolohiya, komunikasyon, kultura, kaalaman at ekonomiya at tumatakbo sa
pandaigdigang antas. Ang mga modernong nasyon, lalo na ang Pilipinas, ay
kailangan makibahagi sa prosesong ito kung ito ay interesadong magtagumpay.
Tinutugunan naman natin ito ngayon sa kakayahang makipagtalastasan sa
internasyonal na lengguwahe. At ang Pilipino ay likas nang madaling bumagay sa
pangangailangan, kaya hindi na mahirap sa atin ang makibagay. Kaya naglipana
ang mga call centers. Marami ang nagsisipagtrabaho at lumilipat na ng tirahan
sa ibang bansa.
Sa mga
nandito naman, damang-dama ang moda na impluwensya ng labas. Ang antas ng
pamumuhay ay pinagsisikapan magaya sa mga nakikitang banyagang kultura.
Ang mga
magagandang tradisyon ay unti-unti ring napapalitan nito.

 

Ito ang panibagong banta sa ating kalayaan. Ang
kolonyalismo ay patuloy pa ring nagbabago ng anyo at umiimpluwensya sa mga
Pilipino. Ang epekto ng ilang beses na pananakop ay nagbunga ng kaisipan na ang
mga lahing may kakayahang manakop ay nakatataas. Kaya nakahiligan ang maging
sunud-sunuran sa impluwensya sa labas at paliitin ang tingin sa sarili.

 

Kitang-kita ito kapag ang isang taong may dalang aso ay
tinanong, “Mama, anong lahi yang alaga mong tuta?”, at ang isasagot ay “Askal
lang.” At patakang sasabihin ng nagtatanong na, “Ah, akala ko may lahi, ang
ganda kasi ng itsura.” Kasama nito ang naglilipanang komersyal ng mga
pampaputi, ang mga pagpapatangos ng ilong, ang pagsuot ng koloradong contact
lens, ang pagkulay ng buhok maliban sa itim, ang paggamit ng Ingles para
ipakita ang pormalidad at pagkakaroon ng pinag-aralan, at iba pa. Sa maikling
sabi, wala mang banyagang nanghahawak sa ating pisikal, naroon naman sila sa
ating kaisipan.

 

Ngunit gaya nga ng nasabi ko sa itaas, sa modernong
panahon, mahalaga ang pagkakaroon ng pandaigdigang kamalayan. Hindi ito masama.
Si Rizal ay konkretong halimbawa: ang kalakhan ng kanyang edukasyon ay nakuha
sa labas, bihasa sya sa maraming wikang banyaga, at marami siyang natutunan
buhat sa mga kulturang nakita at naranasan nya sa kanyang mga paglalakbay.
Subalit dahil sa paguugaling nasyonalismo, ang nakuha nya sa labas ay ginamit
para sa ikabubuti ng Pilipinas. Lalong mahalaga ang nasyonalismo sa kasalukuyang
panahon dahil ito ang bumabawi sa napakalakas na impluwensya ng kolonyal na
pag-iisip. Lalo itong mahalaga dahil naglipana ang mga Pilipino ngayon sa lahat
ng sulok ng mundo, at ito lamang ang magbubuklod sa atin saang lupalop pa man
tayo nagtatrabaho o naninirahan.

 

Sa susunod na siglo lalo pang magbabago ang istruktura ng
ating lipunan. Hindi maiiwasang magbago rin ang ating mga paniniwala,
tradisyon, at mga prioridad. Ngunit hindi magbabago ang ating lahi. Sa mga
pagbabagong dala ng globalisasyon, mas kakailanganin natin ang kaisipan at
ugaling magbubuklod sa atin. Dahil sino pa kundi tayo-tayo din lang ang
magbabantay ng ating kalayaan. Hangga’t hangad natin na magtagumpay ang
Pilipinas sa sarili nitong mga paa sa kahit anong panahon o sitwasyon – may
kasarinlan man o wala, sa kasalukuyan man o sa hinaharap – hindi mawawalan ng
saysay kailanman ang diwa ni Rizal.

 

________________________

 

Librong pinagkunan ng sipi mula sa “Ang Pilipinas sa Loob
ng Sandaang Taon”:

 

Medina Jr., Buenaventura S. and Alejandro, Rufino. Buhay
at Diwa ni Jose Rizal. National Book Store, Inc. c 1972

About these ads
This entry was posted in History. Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s